Yellow Platform Edge

July 12, 2007

“Wala na. Puno na,” sabi nung mga nakasakay sa tren. “Wehhh….meron pa sa gitna e, ” sabi ko sa sarili ko. E hindi ko naman masabi ng malakas at baka mamaya kung ano pa ang mangyari saken dun sa harapan ng mga naiwan sa station. Dun ako sa harap naiwan kaya medyo umi-istayl akong maka-atras ng pasimple, tinutulak palikod yung mga naggitgitan na rin sa likod ko.

“Please do not step on the yellow platform edge.” Ayan, naiwan na naman ako…peste!

Tuwing umaga na lang sobra ang sinusuong kong pakikibaka sa pagsakay ng MRT. Alam mo yung maliligo ko ng maayos at magsusuot ng plantsadong polo at pantalon sabay pagdating sa North Station e sa EDSA pa lang parang fans day na ni Ben Tambling! Kung minsan e lampas pa sa kalahati ng kalaparan ng EDSA ang pila sa baba ng mga pawisa’t nagsisingawang mga pasahero. Talaga namang bago ka makarating sa opisina e gusgusing talbos ng kamote ka na.

“Please do not step on the yellow platform edge.” Ayan, naiwan na naman ako…kamote!

Paminsan-minsan, katulad kaninang umaga, sa may Kamuning Station nako bumaba ng bus kesa sa North. Minsan kasi ay hindi nagsasakay ang mga tren sa North at

Quezon Avenue

stations e. Pag sini-swerte ay maalwan ang nagiging pagsakay ko. Pero ngayon, hindi.

“Please do not step on the yellow platform edge.” Ayan, naiwan na naman ako…huhuhu!

Pag nakasakay ka naman na e nagsisimula pa lang ang kalbaryo. Nandyan ang mga nagbabasa ng Libre sa loob. Ang sikip sikip nyo na sa loob ah, nagpipilit pa ring magbasa kahit nakatapal na sa mukha ng katapat nila yung dyaryo. Dali nga…pasilip na lang sa Pugad Baboy…

“Please do not step on the yellow platform edge.” Ayan na! Tulakan na naman ang mga pumapasok!

Lalagabog pa ang pinto sa pagpipilit nung iba na buksan na kagad ang pinto ng tren e. Sasampal pa sa mukha mo yung mabibigat at dambuhalang bag nung iba! Utangnaloob talaga!

“Please do not step on the yellow platform edge.” Ayan, bababa nako, yahu!

Astig talaga ang bawat umaga ng mga permanent pedestrians…pagdating mo sa trabaho pwede ka nang maglibag ulit e…